Ano ba ang Stock Market?

Mahilig tayo manood ng balita sa TV, pero kapag napupunta na sa business news ang balita at pinaguusapan na ang stock market, nililipat na natin ang channel kasi wala tayong maintindihan sa mga pinagsasabi ng reporter, at kung ano ba yung mga numerong umaandar na may iba’t ibang kulay.

Ano Ba Ang Stock Market?

“The stock market is a place where shares of stock of publicly-listed companies are bought and sold.”

Paghimayin natin ang nasa itaas.

The stock market is a place… 

Ang stock market ay isang palengke na medyo sosyal. At gaya ng isang palengke, may mga tindero’t tindera rin dito. Pero imbes na karne, gulay, isda, at prutas ang paninda nila, ang mabibili mo dito ay ang tinatawag na stocks.

The Philippine Stock Exchange Trading Floor
The Philippine Stock Exchange Trading Floor

Dito sa atin, ang Philippine Stock Market ay matatagpuan sa Philippine Stock Exchange o PSE sa Ortigas at sa Makati. Dati, ang stock market ay para talagang palengke kasi nagsisigawan ang mga tao at kailangan nilang gumamit ng mga hand signals para magkaintindihan sila sa gitna ng mga sigawan. Pero computerized na sila ngayon kaya wala nang sigawan.

Ang PSE ay nagbubukas ng 9:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, at magpapatuloy ito mula 1:30 hanggang 3:30 ng hapon.

…where shares of stock…

Ang stock ay isang bahagi ng pagmamay-ari o ownership sa isang kumpanya. Isa lang ang ibig sabihin ng stockshare, or shares of stock. Kapag ikaw ay bumili ng stocks sa isang kumpanya, ikaw ay magiging isa sa mga may-ari nito. Ang tawag sa’yo ngayon ay isang stockholder o shareholder. At bilang isa sa mga may-ari, ikaw ay makakakuha ng dividend o bahagi ng kita ng kumpanya. Naipaliwanag ko dito ang stocks bilang isa sa mga investment vehicles.

…of publicly-listed companies are bought and sold.

Ang mga publicly-listed na mga kumpanya lang ang pwedeng magbenta ng stocks. Para maging “public” ang isang kumpanya, kailangan nitong mag apply sa Philippine Stock Exchange. Ang PSE ang responsable sa screening ng kumpanya para matiyak na ito ay legal, may track record ng negosyo, at hindi bigla biglang mawawala. Sa ngayon, meron nang 288 na mga kumpanya ang nasa listahan ng PSE at dumadami ito bawat taon. Makikita mo ang listahang ito dito.

So, kapag may mabasa ka o marining na, “Company ABC goes public”, ang ibig sabihin nito ay nagbebenta na sila ng shares sa publiko. But why do companies go public? Well, para magkaroon sila ng dagdag na puhunan para matugunan ang kanilang paglaki. Ang isang kumpanya na lumalaki ay lumalaki din ang gastos. Pwede silang mangutang sa bangko o kaya ay mag issue ng bonds (tinalakay ko ang bonds dito). Yun nga lang, madadagdagan ang gastusin nila dahil sa interest ng inutang nila. Para maiwasan nilang magkautang, maghahanap sila ngayon ng mga investors sa pamamagitan ng pagbebenta ng stocks.

How The Stock Market Works
How The Stock Market Works

Ang tawag naman sa mga tindero’t tindera ng stocks ay brokers o stockbrokers. Sila lang ang binigyan ng authority ng PSE para bumili at magbenta ng mga shares of stocks sa mga investors na katulad natin. Sa kanila lang tayo pwedeng bumili. May ilang kumpanya na binibigyan ang kanilang mga empleyado ng stock options bilang isa sa mga benefits nito, pero sa pangkalahatan, pwede ka lang bumili at magbenta ng stocks sa isang broker.

May dalawang klase ng brokers: ang live broker at ang online broker.

Live Broker

Ang live broker ay isang licensed professional na hahawak sa ‘yong mga stocks. S’ya ang tatawagan mo kapag may gusto kang bilhin o ibentang stocks.

Pro:

  • Pwede ka n’yang mabigyan ng payo tungkol sa iyong investment.

Cons:

  • Mas mataas ang transaction fees — up to 5% — dahil kasama dito ang komisyon.

  • At dahil may komisyon, meron itong minimum na investment requirement na pwedeng umabot sa ilang milyong piso.

Online Broker

Sa online broker naman, ikaw mismo ang bibili at magbebenta ng iyong mga stocks sa pamamagitan ng computer na may internet access.

Pros:

  • Sobrang baba ng transaction fees — for as low as 0.25%.

  • Pwede ka nang mag invest sa halagang P5,000.

  • Meron silang samut-saring mga reports at mga information sa bawat publicly-listed companies na makakatulong sa iyong desisyon kung saang mga kumpanya ka mag i-invest.

Con:

  • Ikaw mismo ang bibili o magbebenta ng iyong mga stocks, so kailangan mong mag aral ng kaunti.

Maraming online broker dito sa Pilipinas pero para sa akin, ang CitisecOnline ang the best. Sila kasi ang pinakamalaking online broker ngayon sa buong bansa. Marami silang mga research, reports, at mga information sa bawat kumpanya. Meron silang listahan ng mga kumpanyang nire-recommend nila para sa ating mga long-term investors. Meron din silang mga libreng seminar bawat linggo sa Ortigas kung paano mag invest sa stock market. Pwede mo rin silang imbitahan sa inyong probinsya para mag conduct ng seminar doon. But wait, there’s more! Ang CitisecOnline ay isa ring publicly-listed company, kaya pwede ka ring bumili ng stocks nila. Saan ka pa?!

Paano Ka Kikita Sa Stock Market?

Bilang isang long-term investor, may dalawang paraan para ikaw ay kumita sa stock market. Ito ay ang mga sumusunod:

Dividends

Kagaya ng nabanggit ko sa itaas, ang dividend ay kita ng isang kumpanya na ipinamamahagi sa mga stockholders. Dahil sa dividend, ang iyong investment sa stock market ay maituturing na isang passive income (tinalakay ko ang passive income dito). Your money grows without you doing anything! Ang galing ‘di ba?

Capital Gains

Kapag ang isang kumpanya ay lumalaki, ang presyo ng bawat share nito ay tumataas din.

Halimbawa:

JollibeeNoong 2003, bumili si Juan ng 50 stocks sa Jollibee. Noong time na ‘yon ang presyo bawat share ay nasa P20. So ang total investment ni Juan ay:

50 stocks x P20 = P1,000

Dahil patuloy sa paglaki ang Jollibee, ang presyo ngayon ng bawat share nila ay umabot na sa P140 (as of June, 2013). Kung ibebenta ni Juan ang lahat ng share nya sa Jollibee, ang makukuha n’ya ngayon ay:

50 stocks x P140 = P7,000

Kumita s’ya ng anim na libo. At take note, hindi pa kasama d’yan ang dividend at ang Compound Annual Growth Rate (may example ako ng CAGR dito) sa kanyang investment na P1,000!

Hindi Ba Delikado Ang Stock Market?

“Nilagay mo sa stock market ang pera mo? Ay, Dios mío, ¿por qué? “, sabay nag-antanda ang kaibigan kong Spanish bread. Maraming natatakot mag invest sa stock market. Kapag ang isang tao ay nag invest dito, ang tingin sa kanya ng karamihan ay suicidal or katulad n’ya si Bab Marley (si Bab ay isang taong grasa na madalas kong makita sa palengke ng Angono. Meron pang isa na lagi naming nakikita kapag nagba-bike kami ni Hubby sa highway, si Nikki Minaj).

Sa katunayan,

“80% of stock market players lose their money.”

Maraming tao ang namulubi dahil sa stock market. Hindi lang ilang milyong piso kundi bilyon ang nawala sa kanila. Alam n’yo ba kung bakit? Because they are trading at the stock market, not investing in the stock market. Malaki ang pagkakaiba ng dalawa!

Trader

Ang isang trader ay bumibili ng mga stocks at pagkatapos ay ibebenta ang mga ito sa loob lamang ng isa or ilang araw. Nakabantay sila lagi sa fluctuation o pagbaba at pagtaas ng presyo ng bawat stocks. Kapag bumaba ang presyo, bibili sila. Kapag tumaas, magbebenta sila. Ang trading sa stock market ay parang sugal. Kung wala kang alam tungkol sa technical analysisfundamental analysisindicators, at kung anek anek pa, para mo na ring ipinamigay ang pera mo sa stock market. Pero kung ikaw ay may alam at magaling sa mga ito, may posibilidad na ikaw ay maka-jackpot.

Investor

Ang isang investor ay bumibili ng mga stocks at ibebenta lamang ito pagkalipas ng 5 hanggang 20 taon. Minsan, mas matagal pa doon! Dito tayo nabibilang. Tayo ay mga long-term investors. Bumaba man o tumaas ang presyo sa stock market, wala tayong pakialam. Deadma. Si Warren Buffet — the richest man the stock market has ever made — ay isa ring long-term investor.

Lahat naman ng klase ng investment ay may kaakibat na risk. Gaano ito kalaki o kaliit ay depende sa kaalaman mo sa iyong piniling investment. Kung wala kang alam sa pinasok mo, malaki ang risk. Kung may sapat kang kaalaman sa pinasok mo, mas kaunti ang risk. Pagdating sa stock market, bawal ang pacham (patsamba-tsamba) at walang beginner’s luck. Lahat dito ay pinag-aaralan. Kaya basahin mo lahat ng posts ko, chause!

On my next post, tatalakayin ko naman sa inyo ang iba’t ibang pamamaraan o estratehiya ng pag invest sa stock market. Pero bago ‘yon, gusto kong ipaliwanag ang ilan sa mga terms na may kinalaman sa stock market, gaya ng:

Portfolio

A sample of a portfolio
A sample of a portfolio (© COLFinancial.com)

Ang portfolio ay ang listahan ng mga binili mong stocks.  Makikita mo dito ang presyo ng stock sa araw na ‘yon (Market Price), kung ilan ang stocks na meron ka sa bawat companya (Total Shares), ang iyong paper gain at paper loss (Gain/Loss), at iba pa. I

Paper Loss

Ang “paper loss” ay nangyayari kapag ang kasalukuyang presyo ng isang stock ay bumaba sa presyo ng pagkabili mo dito. Kung titingnan mo ang portfolio ko sa itaas, meron akong paper loss sa Lafarge at Megaworld.

Noong bumili ako sa Lafarge, ang presyo ng stock nila ay nasa P11.01 (Average Price) pero ang presyo nito (Market Price) sa kasalukuyan ay nasa P10.90.

“Paper loss becomes an actual loss when you sell it.”

Hangga’t hindi ko ipagbili ang stocks ko sa Lafarge, ang pagkalugi ko ay nasa “papel” lang. Magiging totoong lugi lamang ito kapag ito ay ipinagbili ko na.

Ang paper gain naman ay ang kabaligtaran ng paper loss. Magiging actual na kita lamang ito kapag ipinagbili na ang stocks.

PSE Index o PSEi

The PSE Index Graph
The PSE Index Graph (© COLFinancial.com)

Ang Philippine Stock Exchange Index o PSEi ay ang pangkalahatang indikasyon sa “kalusugan” ng Philippine stock market. Sinusukat nito ang overall performance ng mga publicly-listed companies sa iba’t ibang industriya. Ginagamit din ito bilang isa sa mga indikasyon sa pangkalahatang estado ng ekonomiya ng Pilipinas.

Kapag mataas ang PSEi, malakas ang merkado sa pangkalahatan. Ibig sabihin, paakyat ang presyo ng mga stocks. At kapag paakyat ang presyo, tiba tiba tayong mga long-term investors.

Kapag mababa naman ang PSEi, mahina ang merkado sa pangkalahatan. Ibig sabihin, pababa ang presyo ng mga stocks. At kapag mababa ang presyo, masaya pa rin tayo dahil mas maraming mabibiling stocks ang ating kaperahan. SALE! ‘ika nga.

Board Lot

Ito ay ang minimum na bilang ng shares na pwedeng mabili ng isang investor. Ang isang board lot ay karaniwang binubuo ng 100 shares, pero may mga kumpanya na may 5, 50 o 1,000 stocks sa isang board lot. Usually, ito ay nasa multiple of 5 or 10.

Ang board lot ay ginawang standard para maiwasan ang “odd lot” at para maging mas mabilis at madali ang pagbebenta ng mga stocks. Mas madaling hanapan ng buyer ang ipinagbibiling 100 shares kesa sa 17 shares.

Odd Lot

Kapag ang share ay mas mababa sa isang board lot, ang tawag dito ay odd lot. Ang isang investor na gustong mag invest sa isang kumpanya pero hindi nya kaya ang presyo ng isang board lot, ay pwedeng bumili ng shares sa pamamagitan ng odd lot. May mga kumpanya din na nagbibigay ng dividend in the form of stocks kaya ang portfolio ng isang shareholder ay pwedeng maging uneven at ito ay nagiging odd lot.

Kung ipagbibili mo ang iyong shares bilang odd lot, medyo mas mataas ang transaction fee nito kumpara sa board lot.

Ticker

The Ticker
The Ticker

Ang ticker ay ang madalas na nakikita natin sa ibaba ng TV screen kapag nanonood tayo ng business news. Ito yung umaandar na mga letters at numbers na may iba’t ibang kulay. Ipinapakita dito ang kasalukuyang presyo at performance ng mga publicly-listed companies.

Ang sumusunod ay mga bagay na karaniwang nakikita sa isang ticker:

Ticker Symbol

Ito ang simbolo ng stock. Binubuo ito ng isa hanggang apat na letra.  Ang ilan sa mga kilalang ticker symbol ay:

  • BDO – Banco De Oro Unibank, Inc.

  • JFC – Jollibee Foods Corporation

  • TEL – Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT)

  • MER – Manila Electric Company (MERALCO)

Traded Quantity

Ito ay ang dami ng stocks na binili at ipinagbili sa loob ng isang trading day. Sa sample ticker na nasa itaas, ang traded quantity ay nasa gitnang row katabi ng net price change.

Net Price Change

Ang net price change ay ang pinagbago ng presyo ng stock mula kahapon (yesterday’s closing) hanggang ngayon. Ang net price change ay pwedeng ipakita in peso or in percent.

Kalimitan, ito ay may kasamang arrow:

  • Up arrow – tumaas ang presyo ng stock mula kahapon

  • Down arrow – bumaba ang presyo mula kahapon

  • Sideways arrow – walang pinagbago sa presyo

at minsan naman ay kulay:

  • Green – tumaas ang presyo ng stock mula kahapon

  • Red – bumaba ang presyo mula kahapon

  • Blue – walang pinagbago sa presyo

Stock Price

Ito ang kasalukuyang presyo ng isang stock. Kung titingnan mo ang sample ticker sa itaas, ito yung nasa ibabang numero.

Credit to: https://pinoyinvestigador.wordpress.com/2013/07/13/ano-ba-talaga-ang-stock-market/


1 Comments

Curated for You

Popular

Top Contributors more

Latest blog